“ANG PITAKA”
Una muna sa lahat, maraming salamat sa mga nakabasa ng una kong sinulat at sana nagustuhan ninyo.
Napapansin ko lang na ang kahulugan ng salitang pag-ibig ay hinahambing sa maraming bagay para maintindihan natin ang ibig-sabihin ng pag-ibig sa iba’t-ibang sitwasyon. Ang pag-ibig ay simpleng salita lang pero maraming kahulugan.
Para sa akin, maihahambing ko ang pag-ibig sa isang pitaka. Bakit? Gusto ko lang. Biro lang yun.
Kasi kapag mayroon tayong pitaka, siyempre dun natin nilalagay ang lahat ng perang dadalhin natin. Kaya kapag nasa labas tayo, kampante tayong gumastos dahil dala natin ang ating pitaka. Pero kapag ito ay nawala o may nang snatch ng pitaka natin, hindi natin alam kung ano ang gagawin natin at malamang hindi natin alam kung paano tayo makakauwi.
Ganun din sa pag-ibig. Kapag mayroon tayong ka-relasyon, binibigay natin ang lahat ng ating pagmamahal sa taong iyon. Kaya kampante tayo o hindi kaya umaasa tayo na hindi tayo iiwanan ng taong ito dahil binigay na natin ang lahat para lang sa kanila. Pero kapag tayo ay iniwan o hindi kaya may iba na siyang mahal, siyempre masakit, hindi natin alam kung ano ang gagawin natin at higit sa lahat, hindi natin alam kung paano magsisimula muli.
Pero kapag may tinira tayong pagmamahal sa sarili natin, kahit papaano ay alam natin ang ating gagawin at higit sa lahat kahit papaano alam natin kung paano magsisimula muli.
Simple lang naman ang mensahe nito, huwag natin agad-agad ibigay ang ating buong pagmamahal sa isang taong hindi tayo sigurado kung siya nga ang makakasama natin sa pang habangbuhay. Hindi masama ang magmahal, basta may limitasyon.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento